Monday, May 11, 2015

BAGONG RUTA

Nakakaburyong ding magbilang ng mga dumadaan na bus kaya nang may dumating na bagong linya ay pinara ko na agad ito kahit hindi ako masyadong sigurado sa ruta.

Ang sa akin, bagong kalsada 'yan na may bagong tanawin, bagong driver, bagong pasahero, at bagong terminal.

At kapag may bago, nagiging mas magulo at masaya ang buhay.

Kaya isinoli ko na ang prangkisang pansamantalang ipinahiram ng Aksiyon Klima.


Nakapagpaalam na din ako sa mga dispatcher ng mga bus stop sa Guimba at Carranglan na pumayong sa akin, at tuma-timing pa sa isa na nasa Munoz.

Pero ang dati naming tagapamahala, hindi pa niya alam, at wala pa akong planong ipaalam sa kanya, hangga't hindi ko nasasabi ang mga dapat kong sabihin tungkol sa pagsasara ng aming kumpanya.

Kaya siguro ay makabubuting magtago muna sa Iloilo.


Doon muna ako magpapagaling ng lusaw na bituka, at dahil hindi pa kami makapag-check in ay magpugay sa mga santa ng simbahan sa Molo dahil Mother's Day, at mag-almusal na din ng special, super special, at extra special na batchoy kay Ted's. 

Tsaka isang mangkok na pansit molo. 



Sa Circle Inn, muling umalma ang nagkabuholbuhol na bituka kaya nag-flashback ulit ang bagong ruta na papasukin ko.

Anong klase kaya ang mga driver, konduktor, at inspektor na aabutan ko?

Bago kaya ang mga unit nila at madami silang pasahero?

Ang pagkain kaya sa mga bus stop nila ay kasing sarap ng sikat na siopao at minatamis na bola-bola ng Roberto's?


No comments:

Post a Comment