Monday, February 23, 2015

ANG PAGBIBINATA NI ARIEL GUIEB TANGILIG

Isang taon na si Ariel Guieb Tangilig.

Matagal nang nagtapos ang 6 na buwang pag-iiwi sa kanya at 3,453.79 kilometro ang tumayong mga ninong at ninang sa kanyang pagkakatuli na sinaksihan ng 24 na bayan at lungsod ng Nueva Ecija.

Mas maporma na siya at bihis ng mga may sinabing piyesa na ang kabuuang halaga ay makabibili ng isang disenteng bisikleta. 

Siguro dahil regular ang pa-check up niya sa klinika ni Aling Agnes kaya lumaki siyang malusog at hindi sakitin, kaya nakapag-uwi pa ng mga medalya sa 5 paligsahang sinalihan niya.

Binata na si Ariel Gieub Tangilig.

Mahilig na siyang mamasyal sa kung saan-saan, kahit nag-iisa, at nagbago na din ang kanyang mga barkada at pananaw sa pagbibisikleta.



Sa kanyang paglaki ay dumalas ang paglabas niya sa bahay lalo na sa mga pagkakataong bumibigay ang amo niya sa tukso ng mga masasarap na ipinagbabawal. 


Binata na si Ariel Guieb Tangilig pero sumasamba pa din siya bagamat at mas nagiging interesado na siya sa paglipad ng mga puting tagak mula sa mga sumasapaw na palayan.



Sa mga liblib na daan na ulila sa mga miron lumaki at nagbinata ni Ariel Guieb Tangilig. 



Doon siya natutong sumayaw ng Cha-Cha Ulupong at kumanta ng "Ang Huling El Bimbo".


At katulad ng dati kahit binata na siya, d'un siya aabutan ng pagsikat ng araw...


No comments:

Post a Comment