Monday, August 25, 2014

SI KUYA PEPE SA LOOB NG ISANG ARAW

Wala pang UP noong panahon ni Kuya Pepe. 

Ang meron ay Ateneo kung saan siya nag-hayskul, at UST kung saan siya nagkolehiyo. 

Parehong bigatin ang dalawang eskuwelahan.

Hanggang ngayon, mabigat pa din sa bulsa.

Kaya kako kay Bulan, UP o CLSU lamang ang option namin.

'Yang UST at Ateneo ay para madanas naman niya kung paano ang entrance test doon, at pang-antabay kung sakaling manalo kami sa lotto.

Kako, makinig ka na lang sa "When I was Your Man" cover ng quartet sa Dad's World Buffet, at subukan ang fusion ng pasta [pansit ng mga Italyano] at sashimi [kinilaw ng mga hapon]. 



Pero si Balong, ayaw pumayag na hindi makapunta sa Luneta.


Lagi daw kasi niyang nababasa 'yun sa libro pero hindi pa niya napupuntahan.

"Torjakan n'ung araw 'yang Japanese Garden. D'un ginarote 'yung tatlong pari. At dito binaril si Kuya Pepe".


Hindi kursunada ni Ateng ang pagto-tour guide ko.

"Sa Quiapo na lang tayo magpatay ng oras. Puntahan natin yung bahay ni Nakpil".

Si Bong naman ang maging giya, at d'un ko nalaman na kapatid ko pala si Julio Nakpil at maayos naman ang naging buhay ni Ate Oriang matapos mapatay si Kuya Andres. 

Pinaupo pa ako sa magarang tumba-tumba na paborito daw gamitin ni Kuya Pepe n'ung araw!
 


Ayos, tatlong kabanata sa buhay ni Kuya Pepe sa loob ng isang araw.

Paglabas namin sa Kalye Barbosa ay bumungad ang simbahan ng Quiapo.

Nagpatihuli ako, naglabas ng panyo, at kumaway.

San makapasa si Bulan sa UPCAT.

O kung hindi man ay sana manalo kami ng lotto para may ipambabayad sa UST o Ateneo. 

No comments:

Post a Comment