Sunday, March 16, 2014

ANG MGA TABINGING SIMBAHAN NG AMSTERDAM

Tabingi ang mundo sa Amsterdam.

Una ay naligaw 'yung baggage carousel ng Schipol, tapos isinakay ako ng tren na hindi naman pala papuntang Centraal, 'tsaka ako itinuro ng Tourist Information Center sa maling hotel.

[Sa maling carousel ako napunta, sa maling tren ako nasakay, sa maling hotel ako napadpad]. 

Medyo tabingi din 'yung hotel receptionist dahil ang itinuro niya sa aking Oude Kerk [Old Church] ay ang St. Nicolas Basilica pala.


Pero mas tabingi ang Oude Kerk na pinalilibutan ng sari-saring klase ng mga babaeng naka-eskaparate at mga nag-aalok ng mga panooring may kinalalaman sa kalibugan.


Gan'un din ang Nieuwe Kerk [New Church] na nababalot ng mahiwaga ngunit pamilyar na usok at ang amoy ng libo-libong keso.


Pinakatabingi marahil ang Old English Church dahil makipot ang bakuran ng Begijnhof at kailangan niyang magkasya sa frame ng aking Samsung Galaxy S-4.


Tabingi ang mundo sa Amsterdam. 

Tabingi ang mga simbahan, tabingi ang mas makipot na kuwarto sa hotel, tabingi ang lasa ng Heineken beer, tabingi ang pagkain, tabingi ang kamera at ang photographer. 

Nakatutuwang tabingi...    

TABINGING PAHABOL: Ang St. Nicolas Basilica ay pinasinayaan noong 1887, ang Old Church [kung saan nakalibing ang asawa ni Rembrandt] noong 1306, ang New Church noong 1408, at ang Old English Church noong 1417.   

No comments:

Post a Comment