Wednesday, August 21, 2013

STRANDED!

Typhoon Maring + LPA sa Pilipinas + masungit na immigration officer sa Beijing = cancelled flight. 

Sabi ng PAL representative, bahala na daw muna si Batman sa amin.

[Fast forward to Kang Ming Hotel]

Wala daw express laundry service ang hotel.

Kaya twice used slacks + once used socks + new souvenir t-shirt = attire of the day.

Brief-less din kaya presko.

[Forbidden City]

Hapon na ako nakarating.

Buti na lang at tinuruan akong sumakay sa Bus No. 2 n'ung kahero sa convenience store na binilhan ko ng tubig at napagtanungan.

Buti na lang at ibinaba ako n'ung konduktor ng Bus No. 2 sa tamang lugar.

Pero exit ang nasuot ko kaya na-"No come back" ako ng bantay.


Buti na lang at naituro niya sa akin na sumakay ulit ng Bus No. 1 or 2 at bumaba sa third stop.

Pumasok ako sa Tiananmen Gate at nakarating hanggang East Glorious gate pero hindi na ako umabot.

Sarado na ang Meridian Gate na siyang tanging lagusan patungo sa Inner Court.


[Tiananmen Square]


Mahigpit ang security.

May x-ray machine at random ID checks.



Madami ding nakakakalat na security forces.

Nagpa-pityur ako sa isang photographer.


[Bus No. 2]

Akala ko kabisado ko na ang daan pabalik.

Sumakay ulit ako sa Bus No. 2.

Sa last stop ko na nalaman na mukhang naligaw ako.

Ang intindi ko sa sinabi ng konduktor ay bumalik ako at sumakay ulit ng Bus No. 2.

Bumalik nga ako, naghanap ng bus stop, nagtanong, kumabila sa highway, naglakad pa ulit, kumabila ulit sa highway, bumalik sa una kong binabaan.

Walang Bus No. 2 at wala ding bus stop.

May itinatanong sa akin 'yung mamang binilhan ko ng tubig pero di ko maintindihan.

"Saan daw ba ako pupunta", eka ng translation ng celfone ng dalagang duling sa tanong n'ung mama sa akin.

Ipinakita ko ang tarheta ng hotel, muling nagpipindot ang dalagang duling sa kanyang celfone.

Tapos ay hinila niya ako at dinala sa bus terminal na tapat lang pala ng unang binabaan ko.

Sa pamamagitan ng sign language ay nalaman kong kailangan ko ngang sumakay sa Bus No. 2.

Nalaman ko sa konduktor kung saan ako dapat bumaba.

Malapit na pala sa hotel ko ang last stop ng Bus No. 2.

[Kang Ming Hotel]

Hindi kami magkaintindihan ng waitress.

Nakatingin lang siya sa akin, nakangiti, mukhang nagpapakyut.

"Sige, dumplings na lang at Chinese beer."

'Yun ang unang hapunan ko sa Beijing: sangkatutak na dumplings na may sawsawang suka na lasang basi at dalawang bote ng beer.


Pagkatapos ay nilabahan ko 'yung t-shirt at jogging pants na suot ko pa kahapon 'tsaka tig-dalawang medyas at brief.

Natulog ako nang naka-burles.

No comments:

Post a Comment