Monday, July 09, 2012

FRAMED RECOLLECTIONS

Matapos kong tabasin sa wakas ang mga overgrown yellow bells, tsaang gubat, at isang ewan na halaman sa bakuran ay napagpasyahan kong ituloy na din ang matagal nang planong linisin ang mga inaagiw nang mga nakasabit na artwork sa loob ng bahay.

Mula nang mai-frame at maisabit ang mga artwork na ito ay hindi na nagalaw kaya hindi nakapagtatakang ang agiw ay pumulupot na din sa mga pinagpisahang mga itlog ng butiki, mga ebak ng ipis, at makapal na pinong alikabok na sumundot sa aking allergy rhinitis.

"Hanep ang kuwento," sabi ni Bulan matapos mabasa ang dedication sa likod ng isang lumang pressed metal art work. Ganito ang nakasulat d'un:

"Para kay Shubert,

Isang kasama, kaibigan, kapatid at inaanak...

Matagal din akong nag-isip kung ano ang ibibigay ko sa iyo.

Hanggang minsang napakalakas ng ulan habang ako'y nagmamaneho sa 'di ko na matandaang street sa Project 8 ay pansamantala akong huminto upang palipasin ito at manigarilyo. Tiyempong natapat ako sa isang maliit na tindahan ng mga antique na halos 'di na mapansin. Ako'y namangha dahil lahat ng paninda ay galing Europa at higit sa lahat ay mga dibuhong minsa'y nakita ko na...

Disyembre 1999, Amsterdam, Holland. Habang ako'y naglalakad sa palibot ng Dam's Square ay nakita ko ang isang matanda sa isang sulok na naglalako ng ilang gamit. Napansin ko ang ilang piraso ng mga dibuho sa metal at ang wika niya sa akin, "You know young man, the next gereration art in Europe will be crafted from copper, silver and bronze. And it will begin in Amsterdam. I crafted these things many years back. I knew it was not yet the time, but I still hope my time will come." Tinignan ko lamang siya. Ano 'yon, ala Vincent Van Gogh? Nang sumapit ang gabi at ako'y nakakadalawang lata na ng beer (kailangan kong uminom upang labanan ang lamig) ay nalala ko bigla ang matanda. Why not?

Nang bumalik ako kinabukasan ay wala na siya doon. And still have that guilty feeling from that encounter until I accidentally found that small shop in Project 8.

Ang wika ng may-aring long haired na kabataan pa, "Ibinabiyahe ng nanay ko ito mula Holland. Ang hit doon ngayon ay mangulekta ng ganitong mga artwork." Kumuha ako ng para sa iyo at sa akin. I don't mind the price anymore, ang mahalaga...

...nawala na din ang guilty feeling ko.

Para sa iyo...

mpp/18 august 2003


Sumunod na nilinis ni Bulan ang naka-frame na panyo na may ethnic designs at isang malaking ibon sa gitna na pasalubong ni Madam Irene pagkagaling niya ng India...


...at ang isang dyed artwork ng isang elepante galing kay Doray ng OPI na matapos manggaling sa India ay namatay nang mahulog sa pagkaka-angkas sa motorsiklo habang tumatawid sa isang makitid na tulay sa Penaranda...


...at ang naka-frame na ding 2 piraso ng ancient Roman pottery shards mula sa Holland na bigay ni Claire Tielens na dati naming VSO volunteer at may boyfriend na dahil sa kumplikado niyang pangalan ay tinawag na lamang naming Pepe...


...at ang naka-frame na ding origami ng mag-asawang hapon na regalo ni Chiho Ogaya na nag-research para sa kanyang thesis sa Nueva Ecija at naging girlfriend ni Arden na hanggang ngayon ay hindi pa malaman kung ano na ang naging kapalaran.


Ang sabi ko kay Bulan, "Ipamamana ko sa iyo lahat 'yan balang araw. Ipangako mo lang na hindi mo ipamimigay at ibebenta dahil mahahalaga ang mga iyan sa aking alaala". 

Oo daw sabi niya.   

No comments:

Post a Comment