Saturday, February 04, 2012

LUCENA ON MY MIND

Ang Lucena sa aking alaala ay tanong kung ano ang capital ng Quezon na 'di ko masagot sa isang quiz matagal na panahon na ang nakakaraan n'ung Grade IV pa ako sa Mapandan, Pangasinan. "Lola mo, lola mo," bulong ng nanay ko na siya naming titser noon. Hindi ko pa rin nakuha pero alam kong ang pangalan ng lola ko ay Lucena Salatan-Ceincia.

Tapos nabalitaan ko kina Mama Ched n'ung naka-stow away ako sa Sta. Ana, Manila na ang Uncle Manoling Ciencia na madalas kong marinig at madalang makita ay pinagsasaksak at napatay sa Lucena. Maliban d'un, ang natatandaan ko pa sa kanya ay may anak siyang Liza ang pangalan na mahusay maglaro ng chess.

Siyempre, dumagdag na sa huli ang opisina namin sa Lucena na lungga ng aking Kumpareng Amor. 

At siyempre pa, sa Lucena 'din matatagpuan ang pansit habhab na hindi ko pa natitikman mula ng ako'y maging mamang-mahilig-magpityur-ng-pansit.

Ayon sa Wikipedia,  ang pansit habhab ay nagmula sa Lucban, Quezon. Ang luto nito ay parang pansit canton  at may sahog na baboy at hipon. Tinawag sigurong habhab ito dahil sa dahon ng saging ihinahain at kinakain na walang tinidor at kutsara. Ang isa pang pagkakaiba nito sa lahat ng pansit na dumating sa buhay ko ay tinitimplahan ito ng sukang binabaran ng sili, bawang, at paminta bago kainin.


Ayon sa aking panlasa, mamantika at matabang na may bahid ng lata ang inalmusal naming pansit habhab sa palengke ng Lucena. Totoong mura ang presyo nitong P7 hangang P10 dahil totoo 'ding ako'y napamura matapos ang ikatlong habhab. Hindi ko man lamang nalasahan ang sahog na baboy at hipon, kung meron man.

Subalit ang pansit habhab ay hindi para sa fine dining at masarap na pagkain. Ito ay dagliang pamukaw sa mga sikmurang gutom na barya lang ang laman ng bulsa. Nalala ko tuloy ang pansit kanin na paborito ng mga tricycle driver sa San Jose City, Nyeva Ecija...

No comments:

Post a Comment