Sunday, January 22, 2012

FLASHBACK

Isinulat ko ang tula sa ibaba noong Nobiyembre 1990 habang dumadalo sa Luzonwide Congress ng College Editors Guild of the Philippines na ginanap sa Mariano Marcos State University sa Batac, Ilocos Norte. 

Sinusubok ko noong isabuhay ang paggamit ng mas madaming "images" katulad ng payo ng aking mentor na si Oyet P. 

At ilan nga sa mga nagamit kong "images" ang sinking bell tower ng Laoag, ang lawa ng Paoay, at ang mga larawan nina Imelda at Makoy na aking namalas sa aming pamamasyal sa Malacang of the North. 

Sina Kiko Maniego at Karina ay mga totoong tao at tunay kong nasaksihan ng burahin ng mga alon ng dagat ang mga pangalan nilang isinulat sa pampang. 

Sa huli kong biyahe sa Ilocos ay kinunan ko ang mga imaheng nabanggit sa tula at napagpasihayan ko, ngayon at ngayong oras din, na muling ilimbag sa blog na ito ang nasabing tula kasama ang mga nabanggit na larawan. 

DANNIW (Kay Karina at Kiko Maniego)

Kung bakit pinagtipan kayo ni Apo Lakay
ay kapalaran na lamang marahil ang dahilan.
Ang mahalaga’y nagsalo kayo
sa nag-iisang mangkok ng pinakbet.
Sumumpa ka, Kiko,
iguguhit mo ang kanyang larawan sa mga alon ng Lawang Asul,
paaawitin ang mga nawawalang kampana ng Lumang Simbahan,
at huhugutin ang lumubog na Torre sa bituka ng lupa.
Makulay ang mga sandali ng inyong isang gabi,
mga haplos sa dibdib, mga kumawalang maiinit na hininga
habang nakatuntong sa ilusyon ng Hari’t Reyna.
Sayang nga lang at kailangang maubos ang Basi
at tuluyan nang natuyo ang katas ng bagoong.
Ikaw, Karina, ay walang nagawa
kundi timplahin ang tubig dagat sa ilang patak ng luha
habang pinipilit pigilin ni Kiko ang pagbura ng alon
sa mga pangalang nakasulat sa pampang.





MGA LARAWAN: (1) Lawang Asul = Paoay Lake, (2) lumubog na Toree = Laoag Sinking Bell Tower,  (3) ilusyon ng Hari't Reyna = Malacanang of the North.

No comments:

Post a Comment