Tuesday, June 21, 2011

NA LOST, AT NA FOUND SA HYDERABAD

Dalawang beses na akong naiwanan ng eroplano: isang pa-Boracay at sa San Francisco.

Muntik na akong mawalan ng paboritong laruan nang damputin ng isang mama ang aking camera bag paglabas nito sa x-ray machine ng Terminal 2 nu'ng bumiyahe ako pa Cotabato.

Kinotongan ako ng airline counter staff sa Islamabad at immigration officer sa Cotonou. 

Sa Minneapolis, naging saksi ako sa pangingisay ng isang pasahero.

Pero hindi pa ako nawalan ng gamit kahit kailan sa buong panahon ng aking pag-eeroplano.

Kaya para akong binuhusan ng nagyeyelong tubig nang mapagtanto kong 'di ko bitbit paglabas ng Rajiv Gandhi International Airport ang aking backpack. 

Habang humahangos ako pabalik ay naisip ko na lamang na bumili nang mas murang kapalit ng aking mawawalang lap top, tawagan agad ang aking maybahay para ikansela ang mga debit at credit card, at ang hirap at abalang susuungin ko upang palitan ang mga mawawalang PRC license, driving license, Mabuhay Miles card, company ID, Mercury Drug discount card, SM Adavantage Card, Jollibee card, etc.

"Slow down", sabi ng aming Indian welcome comittee. "You'll get it back".

At siya'y nagdilang anghel nga nang na iniabot sa akin ng bigotilyo at nakangiting security officer ang aking bag na tatangatanga kong naiwanan sa x-ray machine.

"Ngarag ka na", sabi ng isang kasamahan nang makabalik ako sa bus.

Tama siya dahil n'ung isang araw ay kararating ko lamang mula Bonn at kinailangang bumiyahe pa-Manila ng madaling araw kinabukasan para sa flight papuntang Hyderabad.

"Boss", tanong ko sa katabi ko, "naisakay mo ba 'yung luggage ko?"

Oo daw.

Paalis na ang bus nang magtanong ang mga nakaistambay sa parking lot kung kanino 'yung bag na nakakalat sa bangketa...


TALABABA: Katulad ng sa pagpunta ko, isinuksok ko ang aking bagong biling Beach Walk kasama ang aking ardyud bag sa walang lock na compartment ng aking luggage pag-uwi ko ng Maynila. Wala na sila ng hanapin ko upang maligo sana sa aming National Office. Ang larawan sa itaas ng Philippine delegation na dumalo sa Alternative Asian Microfinance Summit sa Hyderabad, India ay kuha ni Marlon Palomo. 

No comments:

Post a Comment