Saturday, November 13, 2010

CALOY


Una kaming nagkakuwentuhan ni Caloy habang sinusunog ang mga basura ng aming campus paper office. Staff writer siya, Editor-in-Chief ako. Galing siya ng Los Banos, Laguna.

Sumunod na taon ay tumakbo siyang presidente ng university student council. Kami ni DanLop ang mga operator niya. Tiga-diskarte, tiga-durog ng kalaban. Talo kami.

Sumunod na taon, ako naman sana ang tatakbo. Pero sabi ng mga PO sa SAMASA ay huwag muna. Si Caloy daw ulit. Sabi ko, may talo siya ulit ayon sa aking nabasa sa mga dahon ng bayabas. Ako may lusot dahil madaming Ilokano sa CLSU. Di daw talaga puede. Napag-usapan na sa taas.

Kumalas ako. Nagtayo ng sariling partido. Ramdam ko noon ay napagkaisahan ako. Pero na-disqualify ako dahil graduating na daw at nakatakdang mag-practice teaching. Pero bakit pinayagan noon ang mga graduating na magte-thesis na?

Umatras ako sa college council. Bumaha ang boto. Nanalo ako kasama ang buong partido. Nananawagan kami ng boykot sa university student council election. Sa kolehiyo ko na pinakamalaki sa buong CLSU ay may anim na bumoto. Apat doon ay pangalan ko ang nakasulat.

Dun kami naghiwalay ng landas ni Caloy. At ni DanLop.

Ang huling pagkikita namin ni Caloy ay nang dalawin nila ako ni DanLop sa opisina. Magdamag kaming nag-inom ng Ginebra at nagyosi. Sama na daw ulit ako. Sabi ko, dito na lang muna ako. Mukhang mas bagay ako sa NGO work.

Matapos n'un ay nahuli si DanLop sa Rizal. Paminsanminsan ay nadadaanan ko si Caloy na nag-aabang ng sasakyan. Tapos wala na akong naging balita sa kanilang dalawa.Hanggang sa mabalitaan ko ang nangyari kay Caloy...

No comments:

Post a Comment