Saturday, April 07, 2007

LAHAR!

(Ang sumusunod ay akda ni Kimat T. Amianan na nalathala sa LAHAR souvenir program noong Disyembre 1992 at may pamagat na “Paano Tinimpla ang Rumaragasang LAHAR”).

Katatapos lang noon ng “Sa Bawat Gubat” ni Sir Santi at kasalukuyang ginagamot ng mga artistang estudyante ang hang-over nila sa acting.

“Party naman tayo o.”

“Oo nga naman, kahit pansit lang ang handa.”

“Sige, saan?”

At sa bahay nga ni Willi P. napuyat ang dilat na buwan dahil sa kainan at kuwentuhan, at tuloy naging padrino sa iniluwal na pagarap ng buntis na imahinasyon ni Nine. (Si Willi P. nga pala ang komadrona).

LAHAR ang ibinansag sa sanggol sa isang binyagang ginanap sa ibabaw ng isang bandehadong pansit dahil para raw ito sa mga estudyante ng CLSU na sinalanta ng Pinatubo. LAHAR-GL. Lapiang Hinabi ng mga Artista para sa Rehabilitasyon ng Gitnang Luzon.

Mula sa rooftop ng apartment ni Willi P. ay nagtuloy ang grupo sa kabundukan ng Capintalan upang bigyang buhay ang guniguni kasabay sa paghamon sa matatarik na mountain trail at pagtuklas ng kanilang aesthetic sense (ow?).



Sa San Jose, sa kabila ng naghahabulang uhog sanhi ng malamig at unpolluted air ng kabundukan, pormal na binihisan ang LAHAR.

Sina Mam Ayet, Willi P. at Shubert ang bumuo sa script at lyrics ng mga awiting nilapatan ng musika nina Nine at Von. (Si Nine at Von nga pala, kasama sa music pool na kinabibilangan nina Loy, Joey at Big Ben).

Dumayo pa sa lahar country sina Willi P. and company upang humakot ng material. Doon, nakipagniig sila sa lumubog na multo ng nayon ng Sta. Rita, nakipamuhay sa mnga evacuees, at gumapang sa mga matatarik na burol ng Sapang Bato upang mabigyan ng buhay ang mga ponemang umaalagwa na sa kanilang mga isipan.

Umarangkada na din ang Wonder Woman ng LAHAR na si Tessa E., ang production manager, at ang kanyang sidekick na si Ate Lina, financial officer. Sinuklay nila ang Nueva Ecija sa paghahanap ng sponsors at patrons.

Rehearsals na.

“Mark, Andrew, Jenny! Konting intensity pa sa facial expression!”

“Sherwin, Odang, Jean! Gawing natural ang pag-arte!”

“Tessa, Weng, Boboy, Janet, Efren…”

Nabulabog muli ang Reimer’s Hall. Namilipit ang mga katawan at pumiyok ang mga boses habang namom’roblema si Tessa E. sa paghahanap ng pambili ng pagkain, ng ganito, ng ganun. Napasubo naman sina Mam Ayet, Shiela, at Ate Lina sa souvenir program.

Nagtakbuhan ang mga araw.

May nalagas, may nadagdag.

Saan kukuha ng pera para sa sound system? Sino ang aako sa ganito at ganyan? Ayoko na!

Pero tuloy ang rehearsals sa Reimer’s Hall sa pamamahala nina Direk Will P. at Delfin. (Si Delfin, yung cute na director at writer ng Panggising).

Matiyaga ding nakaantabay ang grand old dame ng LAHAR, si Doc Unabia.

Malapit na ang playdate. Double time. Wala nang pahingahan. Saka na ang assignments at exams, pati boypren at gelpren. Kailangang maganda ang palabas. Kailangang may maipalabas…

Salamat sa mga taga CLSU --- USSG, Collegian, SOs, at college councils --- at mga kaibigang umalalay sa LAHAR. Sa December 10, darating ang grupo sa University Auditorium. Magpe-perform sila para sa atin.



Profile: The Church of San Juan Bautista in Barangay Longos, Kalayaan, Laguna.

No comments:

Post a Comment