Thursday, July 31, 2014

SI CARLO GUIEB, ANG PAGBABALIK NI AMPALAYO, AT BAKIT MALUNGKOT ANG PANSIT CANTON SA KAPITAN PEPE

Lumaki akong sina Lupo Alaba at Ariel Marana ang mga sikat na siklista sa aming bayan, 'tsaka si Felicisimo Tapec na din na may kaunaunahang racer bike sa aming baryo at madalas naming makasamang nag-aabang sa pagdaan ng Marlboro Tour of Luzon sa may ahunan sa bungad ng Bambang, laging may dalang yelo na iaabot daw niya sa mga kilala niyang siklista, hanggang sa dumating si Carlo Guieb na sumikat dahil sa bangis niya sa mga akyatan at masapawan si Lupo Alaba na hindi man lang yata nanalo ng lap, at si Ariel Marana na magkakampeon na sana nang maaksidente sa Cagayan, at siyang naging kaunaunahang siklistang magkampeon ng dalawang sunod sa Le Tour de Filipinas ['yung karera na nag-uumpisa sa Mindanao at nagtatapos sa Maynila], at maging pangatlong kampeon mula sa aking lalawigan ng Nueva Vizcaya pagkatapos ni Domingo Quilban at sinundan ni Ryan Tanguilig, na siyang mga naging lubid na humila sa aking pagtatangkang umahon sa dalawang matatarik na akyatin ng aming pagpapadyak mula Pantabangan patungong Alfonso Castenda sa aking lalawigang sinilangan.



Pagkatapos n'un at ng masaganang almusal ng pinikpikang manok ay muling nabuhay si Ampalayo, numero 6 ng Ginebra San Miguel at parating nakabangko sa mga liga ng Almaguer na sumikat ng kaunti sa mga half court games sa kampo ng GHQ Battalion sa Tiaong, Quezon at sa plaza-plazahan ng Sta. Ana, Manila; na siya ring nagpanggap na varsity player ng College of Education sa CLSU at tunay na naging manager ng back-to-back champion ng Team NCI sa Night League, binansagang gayon ng mga tiga-Purok 5 sa Almaguer marahil dahil kahawig niya si Ampalayo (?) o kasing husay niya ito (??), lumaro ng bahagya laban sa mga tiga Pantabangan-Bonari at natawagan ng 3-second violation, hindi nakapag-shoot ng 2 free throw, at nagmintis ng isang 3-point shot.


Masarap ang inahaing pananghaliang pakbet, pritong tilapia, at sinampalukang reject na inahin ng mga panabong pagkatapos magbola, baon hanggang kinagabihan sa Cabanatuan kung saan nagbigay ang mga kapatid ng kanilang huling parangal para kay Kuya Bobby, at makumbidang doon na din maghapunan.


Sa gitna ng kalungkutan ng huling gabi ng lamay ay nalumpo ang lasa ng inihaing chicken wings at adobong pork ribs pero mas higit na matamlay ang pansit canton na ipinangsapin sa mga ito.

Kaya hindi ko na din kinunan ng pityur...

PHOTO CREDIT: Mga kuha ni Bong Soriano 'yung mamang naka-bike at nagba-basketball.

Sunday, July 27, 2014

GUNS & PANSIT

'Yung una ay pamagat ng tula ni Oyet P na nalathala sa "Father Stories" anthology.

'Yung pangalawa ay merienda at ulam sa pananghalian.

'Yung una ay .22, dalawang .45, at M16.


'Yung pangalawa ay pansit malabon at bihon guisado.



"Subukan mo para alam mo din ang kuwento," sabi ko kay Ateng na nakipagbuno sa .45 matapos magmerienda ng pansit malabon.


"Try mo din?" tanong ko kay Bulan na matapos ang 3 rounds ng .45 ay humirit pa ng isang full clip ng .22.



'Yung kay Balong ay pang FB lang.


'Yung bihon guisado sa boodle fight ang talagang interes niya.


Actually, nilang tatlo.


Sa dulo, napagtanto ko na mainam na kumbinasyon ang pansit sa pamamaril. 

Saturday, July 19, 2014

SI GESU / ANG PANSIT NG MGA NANGAWALA AT NASALANTA

Ganun na nga.

Naubos ang Fundador at mga beer na binili nina Pareng Dante at Eboy, napagkamalan kong paramdam ni Boss Joey ang Baygon na ini-spray ni Quachin, at natalo ako ng P400 sa bating. 

Nakapagsara pa naman kami ng pulong kinabukasan kahit brownout.

At pinilit na makauwi dahil wala na akong isusuot na brief kinabukasan.

Ganun na nga ulit.

Kinabukasan ay nasa Ateneo naman ako at naghintay ng mga kakumperensiya.

Kasi nga, mabilis ang naging takbo namin

O mas maikli talaga ang biyahe sa mga expressway.

Puede ding maaga lang talaga kaming lumarga.

Whatever, may isang oras akong espasyo para pasyalan ang simbahan ni Gesu sa Ateneo na matagal ko nang planong gawin. 

Ang siste, di ko dala ang pangsimbahan kong kamera. 



Ganun na din 'yun. 

Kahit na nasalag ang panawagan kong "Resign all!" at kailangan naming iwanang mag-isa si N sa pag-upak kay L. 

Nagiging maligalig na ang mundo ng mga nangawala at nasalanta. 

Sa dulo, masarap ang inihaing pansit ni Usec Fred pero nasapawan ito ng inahing isang bandehadong sashimi, isang bilaong sushi, isang palangganang sugpo, at isang wataw ng inihaw na malasuge sa aming hapunan.



Ala-una na ng madaling araw ako nakabalik sa Nueva ecija.

Ganun talaga yun.

Wednesday, July 16, 2014

STD AT ANG PAGDATING NI GLENDA

Ang STD ay para sa bayan ng Sto. Domingo.

Katulad ng SCM para sa Science City of Munoz at SJC para sa San Jose City.

Ganyan ko sila isinusulat sa aking mga monthly report para makatipid ng panahon sa pagtitipa na mukhang nakuha naman na ng aming PME.

"Maglalakad muna ako papuntang STD," ang paalam ko para masunog ang limang bote ng San Mig Lights na nainom kagabi nang hindi na dumagdag pa sa mga nag-uumpugan kong mga bato sa apdo.

Sa totoo lang, matagal ko nang plano na ma-update ang mga kuha ko sa Simbahan ni Sto. Domingo noong kapanahunan pa ng aking unang point-and-shoot camera.

Kaya ayan, nagpityur-pityur ulit ako ng simbahan.






Bukas ay sa simbahan naman sana ng San Francisco del Monte ako maglalakad.

Pero dumating si Pareng Dante na nagpabili ng isang bote ng Fundador na dinagdagan ni Pare Eboy ng anim na Pilsen, anim na Lights, at dalawang Red Horse.

Sumunod na dumating ang umaalulong na si Glenda kaya nagsumpahan na lamang kaming mga tiga probinsiya na magkitakita taon-taon kahit wala na kami sa PRRM.